Sunday, July 24, 2011

Masaya ka ga sa trabaho mo?

Masaya ka ga sa trabaho mo?  Importante ga yun?  Importante gang maging masaya ka sa trabaho mo?... mga katanungan na mahirap sagutin... hindi dahil sa sasabihin ng iba... hindi dahil nakakahiya ang trabaho mo... hindi dahil kung ano ang trabaho mo... Huh... Mahirap talaga...

Dapat ika'y magpasalamat at ika'y may trabaho.  Ang ibang tao hanap ki-hanap ng trabaho kung san mang lupalop eh hindi makakita.  Kapag ikaw ay may trabaho, ikaw ay kumikita... hindi nga lang siguro sapat sa iba pero ito ang pinakanakakatulong sa ating pang araw-araw na gastusin at dapat pagkasyahin hanggang sa susunod na sweldo.  Pagkakahirap kung trabaho laang ang inaasahan.  Kahit gaano kalaki o kaliit ang sweldo eh hindi pa rin magkasya o pilit na laang pinagkakasya.  Magaling na ang tao na nakakapag-budget ng kanilang mga gastusin, yung may ipon pa... Pero siguro sa mahal ng bilihin, sa daming pangangailangan ng tao, sa liit ng sweldo,   madalang na laang ang taong ganire...

Ako, sa panahon ngayon na may pamilya na... hindi ko na masyadong pinagiisip kung ako ay masaya sa aking napiling trabaho... basta ang alam ko ay ito ay nakakatulong sa aming mag-anak.  Oo, bored na bored na ako sa trabaho ko, araw-araw ay parepareho na lang ng ginagawa, yun at yun na rin ang tinatrabaho.  Nasasambit ko ito sa aking mga kasama pero ang sabi ko sa kanila ay sayang ang trabaho kaya deadma na sa ka-boring-an na yan... Gumawa na laang ako ng paraan para hindi ako ma-bore sa aking trabaho... Isa na itong pagsusulat... nagbabasa din ako ng ibang mga articles na hindi related sa trabaho ko para naman nahahasa naman ang utak ko sa ibang bagay... Pinagagana ko ang utak ko sa  pag-iisip ng iba pang mapapagkitaan... ayun medyo oks naman.

Masaya ako na may trabaho ako at kumikita naman ng maganda... pero nabobore ako laang naman ako kung minsan sa paulit ulit na gawain o yung tinatawag gang routinary... wala akong magawa dahil wala pa ring ibang opportunities... kailangan ko ng trabaho para sa aking pamilya... kung meron bang ibang mag-ooffer na masmagandang trabaho at masmagandang kita na mahihigitan pa ang trabahong meron ako ngayon eh di go go go na!

Sa ngayon... trabaho muna... laman tiyan muna bago achievement... pagnakaluwagluwag eh di saka, diga?

Thursday, July 7, 2011

Si Hubs, Si Mang Lauro at Si Sec. De Lima...

Nabuksan ulit ang aking isipan tungkol sa Visconde Massacre Case na nangyari 20 years ago... Ito ay dahil sa mga naglalabasang balita tungkol dito... sa acquittal o pagkawalang sala at sa re-investigation ng DOJ at NBI.

Magbalik tanaw tayo...


Si Hubert Webb o Hubs for short ay ang pangunahing akusado sa Visconde Murder Case.  Nahatulan ng pagkakulong at namalagi sa kulungan ng 15 long years... Marami din siyang mga kasamahan na naakusan din na ayon sa kanya ay hindi niya kakilala.  Si Hubert Webb ang napagtuunan ng pansin sa kaso at pati sa media dahil siya ay anak ng isang makapangyarihan tao.  Congressman pa noon ang tatay ni Hubert Webb na si Freddie Webb sa Paranaque kung saan sila nakatira.




Nagkaroon ng eyewitness ang prosekusyon na dala ng mga taga-NBI si Jessica Alfaro na laging naka-shades sa interview.  Naisumite na kase nina Webb ang kanilang mga dokumento na wala siya sa bansa noong nangyari ang krimen... Inilabas si Jessica Alfaro para mapatunayan na hindi nagsasabi ng totoo ang dokumento at si Hubert Webb ay nandito sa Pilipinas ng mamatay ang mga Visconde. Ginawan pa kaya ng movie si Jessica Alfaro dahil sa kabanguhan ng pangalan dahil sa pakakaturo niya kay Webb at mga kasamahan na sila ang pumatay sa mga Visconde.


Mga ilang buwan ang na ang nakakalipas...

Patuloy ang paglaban sa kaso ng dalawang partido (biktima at akusado) hanggang isang araw ay napawalang sala na ng korte suprema si Hubert Webb at ang kanyang mga kasamahan.  Napanuod ko ito ng live sa TV... kung paano iniulat ng tagapagsalita ng korte ang hatol... Tuwang tuwa si Hubert at mga kasama  samantalang si Mang Lauro ay ani mo'y aatakihin sa puso...


Hindi ko malaman ang aking reaksyon sa pangyayaring ito... Ako ay nalulungkot para kay Mang Lauro Visconde dahil sa tinagal-tagal ng kaso e hindi pala si Hubert Webb ang salarin sa pagkamatay ng kanyang pamilya.  Panibagong paghahanap at pagsasaliksik na naman ito ng mga leads o ebidensya na magtuturo sa tunay na may sala.  Natutuwa naman ako sa kampo nina Hubert kase sa tinagal-tagal din naman ng kanyang ipinalagi sa kulungan e napawalang sala siya at nakalaya.


Sa kasalukuyan...

Nag-utos si PNoy ng re-investigation sa kaso kaya't ang PNP at NBI ay nagsagawa ng kani-kanilang paglilikom ng ebidensya. Sa napanood kong programa sa GMA channel 11 na "Bawal ang pasaway kay Mareng Winnie",  pinaboran ng DOJ ang re-investigation na isinagawa ng NBI kaysa sa PNP.  Ang NBI ay nagkapagbigay ng witnesses na nagsasabing nandito sa Pilipinas si Hubert Webb noong panahong nangyari ang krimen.  Ito ang pinaniniwalaan at pinaninindigan ni Sec. Leila De Lima.  Na-acquit na si Hubert Webb, ibinabalik nanaman sa re-investigation.  Hindi maipakita sa media at hindi tunay na pangalan ang ginagamit ng mga witnesses dahil daw sa kanilang seguridad.  Sa alin? Meron din namang reel tape na ipinakita ang media na isa sa ebidensiya ng NBI at DOJ.  Hindi makikita sa reel tape na yun ang entry ni Hubert Webb sa America pero andun ang  pagbalik niya dito sa Pilipinas.  Bakit walang entry?  Saan dumaan si Hubert? E diba meron ng ipinakita si Hubert Webb na ebidensiya na andun siya sa America nung panahon ng krimen. Ito ay mga sertipikayon na galing sa Bureau of Immigrations at sa FBI na nagsasabing lumabas siya sa bansa bago mangyari ang krimen at siya ay nasa America.  Ani ng DOJ, puro daw mga kaibigan at kamag-anak daw ang witnesses ni Hubert Webb.  Siyempre naman. Sino ba ang makakasama mo sa America? Ang kasalukuyang re-investigation ng Visconde Murder Case ay  sa aking palagay ay gusto ulit patunayan na nasa bansa si Hubert Webb noong nangyari ang krimen. Ngayon sinasabi nila na hindi si Webb ang kanilang pinupuntirya kung hindi ang kasamahan niya na hindi pa nakikita at nakakasuhan.  Pero nasabi na ang nasabi... nakatatak na sa mga utak ng nakarinig na pwede palang si Webb nga ang may kasalanan dahil nagkaroon ng re-investigation at press conference. Naihain sa media ang mga witnesses at ang reel tape.  Meron palang ganito e bakit ngayon laang inilalabas? Hay, mahabang proseso na naman ito... Siyempre nasaktan ang Pamilyang Webb sa kadahilanang isinasangkot ulit siya sa re-investigation na ginagawa ng DOJ gayong siya ay napawalang sala na ng Supreme Court.

Sa aking opinyon...

Ang sa pagkakaalam ko kapag napawalang-sala ka na ng korte suprema ay hindi na pwede ulit ikaso sa iyo ang kasong nagbigay sa iyo ng acquittal.  E bakit nagkaganoon? Diga DOJ Secretary si Ms. Leila De Lima?  Dapat yata alam niya yun.  Maraming batikos sa DOJ at NBI dahil mali ang focus ng kanilang imbestigasyon.  Nakakaawa lang ang mga isinasangkot nila ulit sa kaso kahit na na-acquit na... Nakakaawa din si Mang Lauro dahil wala ding patutunguhan ang re-investigastion kung si Hubert Webb pa rin ang madidiin at kakasuhan dahil hindi na pwedeng baliin ang hatol ng kataas taasan hukom. Siguro ang dapat tutukan ng DOJ at NBI ay ibang mga angulo ng kaso, hindi lang sina Hubert Webb at kasamahan dahil tinuldukan na yun ng Supreme Court. Bakit kase meron palang mga ebidensya e bakit hindi nila inilalabas nung on-going pa ang kaso ni Webb?  Bakit ba hindi ipakilala ang mga witnesses na ito sa publiko para malaman kung nagsasabi ng totoo?  Bakit pinaboran ni Sec De Lima ang NBI kaysa sa PNP?  Bakit kailangan magkaroon ng re-investigasion sa kaso?  Lumapit ba si Mang Lauro kay PNoy o kailangan lang ng publicity? Bakit ba si Hubert Webb pa rin ang gustong idiin sa kaso? Bakit nagkaroon ng press conference na ipinahayag ang re-investigation na ito at ipinakita ang mga witnesses ng hindi alam ng dalawang kampo? at  ang pinakamahalaga... Nasaan si Jessica Alfaro na Star Witness ng Visconde Murder Case?  Nawala na lang siyang parang bula... Si Mang Lauro... sana ay makapagmove on na... Nakakaawa naman kase matanda na rin naman siya at kailangan din naman niya ng kaligayahan.

Maraming mali na dapat itama... Maraming tanong na dapat may tamang kasagutan... Kayo, anong opinyon nyo?

Sunday, June 26, 2011

Saan ga ang Taysan?


Ang Taysan ay isang maliit na municipalidad sa Batangas.  Ito ay matatagpuan sa ika-apat na distrito ng Batangas at nasa ilalim ng rehiyon ng CALABARZON sa Luzon.  Nasa Hilaga nito ang Rosario at Ibaan, sa Silangan naman ay matatagpuan pa rin ang ilang parte ng Rosario, sa kanluran naman ay ang Batangas City at sa Timog naman ang Municipalidad ng Lobo.  Dati raw ang Taysan ay kasakop ng Rosario (isa ring bayan sa Batangas). Ang Taysan ay binubuo ng 20 na barangay. Ang kabuhayan dito sa pangkalahatan ay agricultura, pagbababoy at poultry... Ang sasakyang pampubliko na makikita dito ay dyip, tricycle at trisikad ni boyet...






Tipikal na bayan ang Taysan. Ang municipyo, simbahan at plaza ay magkakalapit lamang ng lugar .  Ang Nuestra Señora dela Merced Parish ang simbahang katoliko na makikita dito.  May mga simbahan din ng protestante, iglesia at born again na matatagpuan dito.





Sta. Ana Ville



Meron ding mga resorts na pwedeng pamasyalan ng mga tao dito.. Makikita sa Taysan ang Villa Kalikasan Resort, Coogenick, Sta Ana Ville at Maximillian resort.. Nagaganap din ang taunang bikathon dito sa Taysan tuwing fiesta . Nagkakaroon din ng mga pasaya sa plaza katulad ng pa-concert at pasayaw.



Modernisado na ang Taysan ngayon... at last may internet na rin kahit walang landline... aanhin mo pa ang landline kung meron ng cellphone at wireless landline na inooffer ng mga naglalakihan kumpanya ng telepono. 
Petron Gas Station

La Farge/Fortune Cement





Dalawang rural bank ang meron dito. Ang Rural Bank of Taysan Inc. (RBTI)...bata pa ako nakatayo na yan.. at ang Banco Batangan (A Rural Bank) Inc, (BBI) na mahigit isang dekada na ring namamalagi sa Taysan. Matatagpuan din sa Brgy. Mapulo Taysan ang La Farge o Fortune Cement.  Ang Asian Arc ay isang mining company na dumating laang dito sa Taysan kamakailan at isa rin sa nagbibigay kabuhayan sa mga tao dito.  Isa ring establishment dito ay ang Petron Gasoline Station na matatagpuan sa Brgy Mahanadiong.  Nagkakapagbigay ito ng sapat na gasolina at kurudo sa mga sasakyan dito sa Taysan... (Siguradong hindi pa-ihi at mura pa!)




Dalawa ang pangpribadong eskwelahan dito sa Taysan, ang Our Lady of mercy academy at Taysan Highschool. Sa kasalukuyan ay halos lahat ng barangay ay may elementaya at highschool.



Meron ding mga Health Centers at Botika sa Barangay sa benteng barangay na nasasakupan ng Taysan.  Meron ding pribadong clinic sa bayan, ang Deo Medical Clinic.  May mga dental clinic na nagkalat sa bayan at mga botikang pribado ( Dela Merced Pharmacy, RRC Pharmacy at Generics Pharmacy).

Ano nga ba ang gagawin mo kung ikaw ay nakatira o gustong mamasyal sa Taysan?

1.  Sa umaga o sa gabi pwede kang mag jogging, walking, at biking na walang haharang harang sa iyong sasakyan, masamang loob o aso. 
2.  Pwede kang matulog sa ilalim ng akasya sa plaza malapit kay Doña Pacencia ( dahil malakas at masarap ang simoy ng hangin - fresh at walang polusyon )
3.  pwede kang magswimming sa mga resorts na nabanggit ko sa itaas.
4.  Pwede kang mamitas ng mga prutas sa bukid at kainin duon ng fresh.
5.  Pwede ka ding mag-internet sa mga computer shops na nagkalat sa bayan.
6.  Pwede kang magbasketball sa plaza ng walang sawa.

Lahat magagawa mo dito sa Taysan kung gugustuhin mo... maraming paraan... Kung gusto mong magrelax at makasimoy ng malinis na hangin... makakain ng sariwang gulay, prutas at iba pang pagkain... kung gusto mong makasalamuha ng mababait na tao... sa Taysan ka pumunta... Ito ang bayan para sa'yo...





Friday, June 24, 2011

Nagkataon... nagkatagpo...

Si batanguenang girlaloo, isang hamak na empleyado sa kasalukuyan ay may nakakatuwa at nakakalungkot na pinaggalingan...Mga dramatic ga ang tema... May aksyon din naman at komedi... kung baga eh magulo pa sa ngrarally sa edsa...

Umpisahan natin sa mala-"you and me against the world" tema ng naging magulang ni batanguenang girlaloo... Sabi ng mga taong nakasaksi sa pagiibigan nila eh ang mga ito daw baga ay lagi ng si patago kung magkita.  Si Ina, isang sosyalerang probinsyang nagaral sa pribadong eskwelahang pambabae. Si Ama naman ay Batangueñong Manileñong barako na nagaral sa pribadong coed na eskwelahan sa Maynila.  At bakit sila nagkatagpo?  E bakit ga nga? kung baga sa ingles eh serendipity... di inaasahan basta pinagtagpo na laang... nakakakilig... baken ga? walang pakialamanan... Nagkatagpo sila dahil pareho sila bayan na tinitirhan. Ang masaklap pa nun mortal na magkaaway pulitika ang angkan ng dalawa. hayyyzz... Hinding-hindi pwede na sila ay magkaroon ng ugnayan.( eh kaya naman pala patakas) Hanggang sila ay nakaisip na magtanan... uso na pala yun noon... Ay di kala mo'y ngayo'y may gera sa tinubuan nilang lupa... hanap dito hanap doon... Ang sabi ni lolo Mayor " ibalik mo ang anak ko lalake! at wag ka ng magpapakita sa akin!"  nalaman laman ni Ama ang sinabi ng kanyang future father-in-law... "whaaahhh...eh sino gang tinakot nya! ako pa!" barako talaga itong si Ama... Sa kalaunan hindi rin nakatiis ang dalawang kampo... peace man!  Namanhikan ng hindi kasama si Ina at baka mabawi pa... mautak din!  Oks lang sabi ni Lolo Mayor... Nagpakasal at nagreception sa Maynila si Ina at Ama... Hanggang langit ang tuwa ng dalawa... Unti-unting ang mga girian ay napapalitan na ng mga kamustahan ng dalawang angkan... pagkatapos ay kainan... tpos ay barikan... walang katapusang barikan... hayyzzz...

Eh bakit buhay ni batanguenang girlaloo ang title ng blog na ito?  magulang naman ang ikinukwento...

Eh nasa imagination pa lang kaya si batanguenang girlaloo noong mga panahong yun... pinagaaralan kung paano gawin... e nung na perfect na nila... eh di may batanguenang girlaloo  na! Ayos!

Si batanguenang girlaloo lumabas na pagkacute-cute na bata... unang apong babae ng dalawang angkan... pinagaagawan pero hindi naman pinagaawayan... Siya ang naging susi ng pagkakaayos ng mortal na magkaaway sabi ng mga matatandang ngkwento sa akin ng istoryang ito... wow peacemaker pala si batanguenang girlaloo!

Sa kasalukuyan... Lumago ang pamilya nina batanguenang girlaloo... Kung baga ani ni Ama practice makes perfect... practice tayo ng practice para maperfect natin... Ang alin? Eh alam nyo na yun ! nakalima kaya sila.  puro kamukha ni batanguenang girlaloo kaya perfect na perfect!

Si batanguenang girlaloo sa kasalukuyan ay may pamilya na rin... idol niya si Ama at Ina kaya pineperfect din nya ang buhay may-asawa...

Thursday, June 23, 2011

San ka pa ga? Sa Batangas na!



Laiya, San Juan, Batangas

Ang Batangas ang isa sa pinakamagandang lalawigan dito sa Luzon.
 At siyempre kung ito ay isang magandang lalawigan, ang mga nakatira
 dito ay magaganda rin... Ang Batangas ay binubuo ng 3 lungsod at 31 munisipalidad.

Dito rin matatagpuan ang Taal Volcano, Batangas Racing Circuit, Mt. Carmel Church, at mga magagandang beaches.
Batangas Racing Circuit, Rosario, Batangas
Mt. Carmel Church, Lipa City, Batangas



Masarap ang mga pagkain dito sa amin sa Batangas...Andyan ang lagi ng ipinapakita sa mga travel show at food trips na Lomi, gotong batangas, famous kapeng barako, bulalo, sinaing na tulingan sa palayok, panutsa at suman...  nakakagutom...




Barong Tagalog

Likas na matatapang ang Batangueño...

 Dito lang naman ginagawa ang Balisong ( O gusto mo bang magkaroon ng gripo sa tagiliran! Joke lang! ), dito rin hinahabi ang magagarang Barong at damit pangkasal,  at higit sa lahat maraming Bayani at magagaling na pulitiko ang ipinanganak sa Batangas... Andyan si Apolinario Mabini, Claro M. Recto, Marcela Agoncillo atbp...

Aha! Ang Batangueño  a tapang a tao!

Apolinario Mabini

Balisong





Para makarating sa Batangas kailangan mo sumakay ng sasakyang panglupa at pangdagat... walang panghimpapawid dito dahil walang airport dito sa Batangas...

Eto lang ang dapat tahakin kung ikaw ay galing Maynila o galing Norte...

STAR Tollway 
1.  Kung ang punta nyo ay calatagan, nasugbu, lian at lemery... via Silang exit kayo. Dadaan kayo ng tagaytay tapos kakaliwa kayo makalampas ng talipapa ng Amadeus, may signboard dun, hindi kayo maliligaw...
2.  Kung ang punta nyo naman ay Lipa City, San Juan, Rosario, Taysan, Padre Garcia at Lobo eh via Canlubang exit kayo diretso lang tapos Star Tollway... Exit Kayo ng Lipa City...
3.  Kung gusto nyo namang makarating ng Batangas City, Batangas Port, Bauan, Sta. Teresita, San Pascual, Mabini, Taal atbp... via Canlubang exit pa rin tapos diretso lang star tollway at via pinakahuling exit ang labas nyo.

Eto naman kung mangagaling o papunta naman kayo ng Visayas:

1. Barko o mga pump boat ang sasakyan nyo para makarating sa Batangas Port.  Duon madaming nagaantay na bus o van pa-maynila.


2.  Dito rin sa Batangas Port ang daungan ng mga barko o pump boat na papunta ng Puerto Galera, Romblon, Marinduque, Roxas City... Bili lang kayo ng ticket sa loob ng port at magbayad ng terminal fee at swak na beach beach na sa Galera...



 Sa Batangas madaling magpunta, magaganda ang tanawin at karagatan, masasarap ang pagkain, mababait ang mga tao... 


Ala Eh! San ka pa ga? Sa Batangas na!